Alon lamang ng dagat ang naririnig,
Sumasabay sa hanging humihimig.
Hampas sa batuhan ng tubig
Tunay na biyayang katahimikan ang hatid.
Mahigit nang tatlong buwan
Nang ako’y dito magawi.
Noon ay puno ng pighati
Hatid ng mga alo’y dalamhati.
Ngunit mga alon din ang sa aki’y nakiramay
Naging aliwan sa oras ng pananamlay.
Kalungkutan ko’y kanilang hinigop;
Sakit at pait ng puso ay aking nalimot.
Sa bawat balik ngayon ng mga alon
Ngayo’y ngiti ng pag-asa ang hatid.
Sa aking pagbabalik sa pinanggalingan
Bagong pagtanaw sa bukas at buhay ang baon.











